"Yumuyuko, Humahapay, ngunit di Natitinag!"

Noong ika-25 ng Agosto taong kasalukuyan araw ng biyernes, ginunita ang ika-156 na taong pagkakatatag ng Bayan ng San Luis kasabay din nito ang pagdiriwang ng "Kawayan Festival".

Umaga pa lamang ay naghahanda na ang mga empleyado ng munisipyo para sa paggunita sa nasabing okasyon. Pinangunahan ito ng punong abala ng selebrasyon na syang pinakabatang Municipal Agriculturist ng bansa na si G. Rinkoh P. Hernandez. Pagpatak ng alas siete ng umaga ay sinimulan ang selebrasyon ng Banal na Misa na pinangunahan ni Fr. Sam Titular Kura Paroko ng Parokya ng San Isidro Labrador.  Nagbigay si Kgg. Mayor Samuel Noel B. Ocampo ng kanyang paunang pagbati, pasasalamat at paghahayag ng mga programang kanyang naisagawa at mga gagawin pa para sa kapakanan ng mga mamamayan ng San Luis. Hindi magkamayaw ang mga tao sa loob ng covered court ng munisipalidad, batid sa kanilang mga mukha ang tuwa at pagkasabik  para sa mga magaganap sa araw na iyon.  Sa kabilang dako, sa labas naman ng nasabing covered court ay ang mga kubo ng bawat barangay at nakahanay dito ang kani-kanilang ipinagmamalaking produkto.

Ang ikalawang bahagi ng programa ay sinimulan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sertipiko ng karangalan sa mga natatanging mamamayan ng San Luis na syang nagbigay o nagpakita ng kagalingan sa kani-kanilang napiling larangan. Pagkatapos nito ay ang mainit na pagtanggap sa Presidential Adviser na mula pa sa Malacañang Palace na si Kgg. Jose Maria “Dennis” Hernandez. Mainit din ang pagtanggap sa Bise Gobernador ng probrinsya na si Kgg. Sofronio “Nas” Ona na syang nagbigay ng kanyang masayang pananalita. Sa kalagitnaan din ng araw na iyon ay sinimulan ang Mini Band Competition na kalahok ang mga mag-aaral sa tatlong eskwelahang pang-elementarya. Ginawaran din ng parangal ang barangay na syang nagwagi sa Inter-Barangay Product Fest. 

Ninanais ni Mayor Samuel Noel B. Ocampo na ang pagdiriwang ng "Kawayan Festival" ay magtuloy-tuloy sa darating pang mga taon.